Ang Matematika ng 50% + 1
ANG MATEMATIKA NG 50% + 1
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ano ang simple majority pag odd number, halimbawa, ng 15, kung ang kahulugan ng simple majority ay 50% + 1? Ang sagot ko ay 9, habang ang sagot ng iba ay 8. Alin ang mas tama sa aming dalawa?
Mahalagang malaman at maunawaan natin kung paano ba natin tinutukoy ang simple majority, lalo na sa maraming mga organisasyong nangangailangan ng pagdedesisyon sa isa o maraming usapin. Karamihan ng mga Konstitusyon ng samahan ay isinasaad na ang simple majority ay dapat 50% + 1, at hindi lang simpleng lagpas sa 50%.
Marami ang nagkakamali ng sagot dahil mas napagtutuunan nila ang 50% lamang at kadalasang nakakaligtaan ang 1 bilang whole number.
Kaya pansinin natin lagi ang numerong 1, at hindi lang yung 50%, dahil hindi pwede ang 50% + 0.5, o 50% + 0.6 bilang mayorya, kundi 50% + 1. Ibig sabihin, dapat na tama ang kompyutasyon natin, dahil tinukoy mismo na ang mayorya ay 50% + 1, at hindi simpleng lagpas lang sa 50%. Halimbawa sa pulong ng isang 15 member council, o sa isang kongresong dinaluhan ng 257 delegado, ano ang tamang bilang ng 50% + 1.
Madali lang ang simple majority kung even number, tulad ng 20 o kaya ay 250. Ngunit kaiba pag odd number.
Halimbawa may 20 myembro ang konseho, ang mayorya nito ay 11, at kahit sa 50% + 1 nito ay 11 din, na ang kompyutasyon ay [(20 x 0.5) + 1 = n] = [10 + 1 = 11]. At sa 250 naman, ang mayorya ay 126 at ang 50% + 1 nito ay 126 din, na ang kompyutasyon ay [(250 x 0.5) + 1 = n] = [125 + 1 = 126].
Kompyutin naman natin kung ito'y odd number. Bigyan natin ng halimbawa ang isinaad ko sa itaas. Kung simpleng mayorya na hindi depinido kung 50% + 1, ang 8 ang mayorya sa 15, at ang 129 ang mayorya sa 257. Ngunit pag depinido sa Konstitusyon ng samahan na ang simpleng mayorya ay 50% + 1, hindi na natin simpleng sasabihing ang 8 ang mayorya sa 15, at ang 129 ang mayorya sa 257, dahil iba na ito pagdating sa kompyutasyon.
Ano ang simple majority ng 15 member council kung pagbabatayan natin ay 50% + 1: 8 ba o 9?
Komyutin natin. [(15 x 0.5) + 1 = n] = [7.5 + 1 = 8.5]. Kung gayon, ang 8 ay di pa pasok sa 50% + 1, dahil mas mataas ang 8.5 kaysa 8, at mababa ang 8 kaysa 8.5. Gayunpaman, wala namang 0.5 na tao, kundi isang tao dapat. Kaya ang susunod na mas mataas na whole number dito ay 9. At dahil hindi pasok ang 8 at dahil pasok ang 9 bilang pinakamaliit na bilang sa 50% + 1 ng 15 member council, ang simple majority ay 9 katao. Ang 8 ay 50% + 0.5 lamang at di ito 50% + 1.
Sa isang kongresong dinaluhan ng 257 delegado, ang simple majority nito ay 130, dahil sa kompyutasyon natin [(257 x 0.5) + 1 = n] = [128.5 + 1 = 129.5], at dahil wala namang 0.5 na tao, ang sunod na mas mataas na whole number sa 129.5 ay 130, kaya 130 ang simple majority ng 257 delegado ng kongreso, at hindi 129. Ang 129 ay 50% + 0.5 lamang, ngunit ang kailangan natin ay 50% + 1.
Kaya iba ang majority rule kaysa simple majority na 50% + 1. Sa majority rule, ang 8 sa 15 katao ang mayorya, ngunit sa 50% + 1, ang 9 ang mayorya at hindi 8. Sa majority rule, ang 129 ang mayorya sa 257 katao, ngunit sa 50% + 1, ito'y 130.
Kaya sa unang tanong sa itaas, ang tamang sagot ay 9 ang simple majority ng 15 member council kung pagbabatayan natin ay ang 50% + 1 na nakasaad sa Konstitusyon ng samahan.
Sa madaling salita, ang alituntuning simple majority na 50% + 1 ay hindi simpleng lagpas lang sa 50%, dahil naroon ang buong bilang na 1.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento